VP Sara: Duterte target ‘mapalaya’ bago Setyembre

MANILA, Philippines — Umaasa ang mga abogado ni dating pangulong Rodrigo Duterte na mapagbibigyan ang kahilingan nilang “interim release” o pansamantalang pagpapalaya bago mag-Setyembre, ayon kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni VP Sara na tinanong niya ang mga abogado tungkol sa “interim release” ng kanyang ama at sinabi na hindi ito mangyayari sa mga darating na linggo kundi buwan.
“I asked the lawyers for the timeline of the interim release and months was the answer, not weeks,” ani VP Sara.
Hindi naman aniya nagbigay ng eksaktong timeline ang mga abogado pero sinabi ng mga ito na sana ay mangyari ito bago mag-Setyembre.
Matatandaan na hiniling ni Duterte sa International Criminal Court na pansamantala siyang makalaya sa hindi tinukoy na bansa.
Samantala, sinabi ni VP Sara na isa sa mga ikinokonsiderang bansa ng kanyang ama ang Australia upang pansamantalang mag-ampon sa kanya kapag pinagbigyan ang interim release.
“Australia is in the list of countries that are considered by the lawyers, but I am not here for the interim release. Not for this visit,” aniya sa isang ambush interview sa Australia noong weekend.
Sinubukan din umano niyang makipag-ugnayan kay Australian Foreign Minister Penny Wong ngunit hindi ito naging available para makipagkita sa kanya noong Lunes.
“But I do hope that I can meet them in my next visit in the future,” dagdag naman ni VP Sara.
Nilinaw din ng VP na hindi kasama sa kanyang agenda sa Australia ang interim release ng ama at ang biyahe niya ay “personal trip.”
Nagpunta siya sa Australia dahil gusto niyang dalhin sa international community at sa Filipino community doon ang tungkol sa kaso ng kanyang ama sa ICC.
- Latest