Senator-judges dapat patas - Palasyo
MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Malakanyang sa mga senator-judge na dapat silang maging patas at neutral sa halip na ihayag ang lantarang suporta kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa gitna ng puna ng ilang mambabatas na kitang-kita umano ang pagpapakita ng suporta nina Sens. Robin Padilla at Imee Marcos sa Bise Presidente.
Sumunod sa Malaysia kay VP Sara sina Imee at Robin para gunitain ang Independence Day.
Sinabi ni Castro, na malinaw ang nakasaad sa batas na kapag tumatayong senator-judges, dapat ay patas, neutral at hindi bias.
Sa ngayon nakikita aniya ay ang lantarang pagpapakita ng pagkiling ng dalawang senador na hindi man lang kinakitaan ng kaunting kahihiyan sa taumbayan.
“Sa ngayon harap-harapang ipinapakita ang biases. Sana igalang nila ang taumbayan at magpakita naman ng kaunting kahihiyan dahil ang sinisilbihan nila ay ang taumbayan, hindi para sa iisang tao lamang,” ayon pa kay Castro.
Si Padilla ay mahigpit na supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang si Imee ay malapit sa Pangalawang Pangulo.
Nauna na rin sinabi ng may akda ng 1987 Constitution na si Christian Monsod na dapat mag-inihibit sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino sa pag-upo bilang senator-judges matapos nilang hilingin ang pagbasura sa impeachment case ni VP Sara.
- Latest