Senado natanggap na manipestasyon ng Kamara sa impeachment ni VP Sara
MANILA, Philippines — Nagsumite kahapon sa Impeachment Court ang Kamara ng manipestasyon at dokumento kaugnay sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Nakasaad sa dokumento na walang nilabag na batas ang Kamara sa verified impeachment complaint na ipinasa nila sa Senado.
Pasado ala-una ng hapon nang matanggap ng impeachment court ang dalawang pleadings na inihain ng House prosecution team.
Kabilang sa dokumento ang muling pagsusumite ng “entry of appearance” o listahan ng mga prosecutors.
Matatandaan na kinuwestiyon ng impeachment court kung nalabag ang “one year bar rule” nang ihain ang ika-apat na impeachment complaint laban kay VP Sara.
Sinabi naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kahit natanggap na nila ang certification mula sa Kamara ay wala pa ring magagawang aksiyon ang impeachment court hanggang Hulyo 28 kung kailan magsisimula ang 20th Congress dahil may isa pang compliance na kailangang isumite ang Kamara.
Matatandaan na nais malaman ng impeachment court kung itutuloy pa rin ng 20th Congress ang impeachment case laban kay VP Sara.
- Latest