Hontiveros kakasuhan si ‘Alyas Rene’
MANILA, Philippines — Sasampahan ni Sen. Risa Hontiveros ng kasong kriminal sa National Bureau of Investigation (NBI) si Michael Maurillo o alyas “Rene” na nag-akusa sa kanya na binayaran umano siya ng senadora ng P1 milyon para tumestigo laban kay pastor Apollo Quiboloy at idawit si dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa mga nasa likod ng video na ito: You have crossed the line. Sobra na kayo…I have consulted with my legal team and on Wednesday, we will file a complaint before the NBI and seek their assistance in investigating the people responsible for this video, and those systematically circulating it in their disinformation networks,” pahayag ni Hontiveros sa isang press conference.
Inilabas ni Hontiveros ang mga screenshots ng palitan ng mensahe nito sa kanyang mga staff taliwas sa claim na siya’y pinilit at binayaran para tumestigo laban kay Quiboloy.
“Si Michael ang paulit-ulit na lumapit sa aking opisina. Hindi siya tinakot. Hindi siya pinilit. Siya ang naghabol sa amin para magpahayag ng kanyang panig”, wika ni Hontiveros.
Sa mga inilutang na text messages at email, lumalabas na si Maurillo ang nagprisinta sa tanggapan ni Hontiveros upang tumestigo laban kay Quiboloy.
“Noong Dec. 14, 2023, he emailed my office. Sabi niya, “Dati rin po akong worker ni Pastor Quiboloy... tumiwalag dahil sa pang-aabuso at pananakit. Ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob dahil na rin sa takot, baka ipapatay ako.” Taliwas yan sa sinasabi nyang nakumbinsi raw siya na tumestigo para mabayaran,” dagdag ni Hontiveros.
Isiniwalat din ni Hontiveros na si Maurillo ang nanghingi sa kanila ng pera dahil nais nitong bumili ng bagong laptop noong Pebrero 7, 2024.
Maliwanag aniya na ang sinasabing P1 milyon ni Maurillo ay isang kasinungalingan.
- Latest