P3.9 milyong halaga ng vapes, nasamsam sa Parañaque
MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa P3.9-milyong halaga ng vape products sa isinagawang entrapment operation laban sa dalawang lalaki sa Parañaque City, nitong Miyerkules.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, sina alyas “Reginald”, 28, at alyas “Ace”, 23, ay isinailalim sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act).
Bago ikasa ang entrapment, may impormasyong natanggap ang NBI na ang mga suspek ay nagbebenta ng iligal na vapes kaya agad naman silang kumuha ng certification sa Department of Trade and Industry - Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products (DTI-OSMV) at nagsasaad na unregulated at substandard ang nasabing kalakal.
Nitong Hulyo 2, nang maaresto ang mga suspek sa pagbebenta sa poseur-buyer habang bitbit ang 46 master cases na naglalaman ng 8,200 piraso ng vape pod, 1,600 na piraso ng vape device at iba pa.
Sa imbentaryo ng NBI-Cavite North District Office (NBI-CAVIDO) at DTI personnel, natukoy na umabot sa tinatayang P3,920,000.00.
- Latest