VP Sara:‘Wag isuko ang kalayaan sa mga taksil sa bayan’!

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan si Vice President Sara Duterte sa publiko na huwag isuko ang kalayaan sa mga taksil at walang malasakit sa bayan.
“Hindi tayo lumaya para muling mawalan ng karapatan at maging alipin ng iilan. Ipinagmalaki natin sa mundo ang kalayaan ng mga Pilipino. Huwag nating isuko ang kalayaang ito sa mga taksil at walang malasakit sa ating mamamayan at sa ating bayan,” ayon kay Duterte.
Giit pa niya, ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon ay bunga ng pagmamahal ng mga bayani sa ating bansa.
“Paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin. Paglapastangan sa diwa ng kalayaan ang pagsasawalang bahala sa paghihirap ng maraming pamilyang Pilipino at ang paglabag sa mga karapatan at sa batas,” dagdag pa ng bise presidente.
Naniniwala rin si VP Sara na “Kabilang sa mga hamon sa ating kalayaan ay ang pagmamalabis at katiwalian sa gobyerno, laganap na droga, problema sa edukasyon, kahirapan at gutom.”
Kasalukuyang nasa Malaysia si Duterte para sa personal na biyahe kasama ang kaniyang pamilya.
- Latest