Tatlong imperyalista: China, Russia, America
SA unang beses nitong nakaraang 80 taon, kumampi ang America sa isang manlulupig kontra sa nilulupig. Tulad ng North Korea at Belarus, bumoto ang America para sa Russia sa UN General Assembly nu’ng Pebrero. Nilabanan ng apat ang resolusyong tumutuligsa kay Vladimir Putin sa paglusob sa Ukraine tatlong taon nang nakalipas.
Baliktad na ang mundo. Panig na ang America sa paglabag sa 1945 UN Charter. Binabawal ng pandaigdigang batas ang paggamit o pagbanta ng dahas sa paglutas ng sigalot ng mga bansa.
Matagal nang sinisikap ng Russia at China buwagin ang UN Charter. Ngayon magagawa na nila ‘yon sa tulong ng America.
Masugid na sinusundan ni Xi Jinping ang mga kaganapan. Hudyat sa kanya ku’ng masupil ni Putin ang Ukraine, at agawin ng America ang Panama Canal, Greenland, at Gaza. Sasakupin naman ni Xi ang buong East at South China Seas.
Kung mangyari ‘yon, mapapahamak ang Japan, South Korea, Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia, Taiwan, at Pilipinas. Sa baluktok na pananaw ni Xi, China ang may-ari sa dalawang dagat. Balewala sa kanya ang 200-milya exclusive economic zones walong bansa.
Dalawang batas na mapanakop ang ipinasa ng China National People’s Congress. Una, dapat angkinin nila ang East at South China Seas bilang panloob na dagat nila. Ikalawa, sugpuin ang independyenteng Taiwan bilang probinsya.
Pansariling deadline ni Xi lupigin ang Taiwan sa 2027. Inutos niya na maghanda para dito ang People’s Liberation Army.
Nu’ng 2024 tumindi ang pambu-bully ng PLA-Navy, China Coast Guard, at China Maritime Militia sa West Philippine Sea.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest