Nagugutom ang madla, nagnanakaw ang iilan
NABIGLA ang publiko sa balita nu’ng Disyembre: 25.9 percent ng mga pamilya ay dumanas ng grabeng gutom nu’ng nakaraang tatlong buwan, anang Social Weather Stations. Pinakamalala na raw ‘yon mula pandemic.
Grumabe pa nitong unang tatlong buwan ng 2025: 27.2 percent na ang walang makain, pahabol ng SWS.
Hindi ba’t pangunahing tungkulin ng gobyerno na makakain lahat ng mamamayan? Hindi ba’t sa pagkain nanggagaling ang nutrisyon at kalusugan? Hindi ba’t ku’ng kulang sa pagkain ay kulang din sa talino at kaalaman?
Resulta ng gutom: 2 sa bawat 5 na batang edad lima ay bansot, payatot, putot. Ang mga edad sampu ay hindi makaintindi ng binabasa nila para sa ganung edad. Ang mga edad 15 ay kulelat sa Math, Science, at Reading Comprehension kumpara sa 77 na bansa.
Walang pondo sa 2025 national budget ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nilagay ang 4Ps sa unprogrammed appropriations. Ibig sabihin, ipapatupad lang ku’ng may natipid na pera ang gobyerno o may bagong nautang.
Pero naglaan ang Kongreso ng P26 bilyon para sa pampulitikang Ayuda sa Kapos Kita Program. Pera natin ang P26 bilyon. Pero ipapamudmod ng mga mambabatas sa taga-suporta nila. Ika nga, magpapapogi sila sa madla. Tapos ibubulsa ang matitira.
Dalawampu’t dalawa sa 24 senador ang bumoto para sa AKAP. Kasama ang 285 sa 317 na kongresista.
Hindi sila mapagkakatiwalaan. Alamin ku’ng sino ang mga senador na ito. Alamin kung ang kongresista mo ay isa sa mga ganid. Alamin kung meron silang kamag-anak sa lokal na posisyon. Huwag silang iboto. Kung maalis ang mga ganid na mandarambong sa Kongreso at lokal na posisyon, magkakapag-asa ang kinabukasan.
- Latest