TUWING election, nagkakaroon ng mga aberya. Wala pang election sa Pilipinas na hindi nagkaroon ng mga aberya. Pero ang mga nangyaring aberya kahapon habang idinaraos ang election ay mas matindi kaysa election noong 2022. Sa kabila na sinabi ni Comelec chairman George Garcia na handang-handa na sila sa pagdaraos ng election, taliwas ito sa naranasan kahapon sa maraming bahagi ng bansa. Maraming nanalig sa sinabi ng Comelec chief pero naging kabaliktaran.
Unang-una nang napansin ay ang kawalan ng sistema sa pagboto ng mga senior citizens, pregnant women at persons with disabilities na pinayagang makaboto ng 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga. Marami sa mga botante sa nasabing kategorya ang nagtungo sa kanilang voting precinct ng eksaktong 5:00 ng umaga pero inabot sila ng ilang oras sa pila. Walang sistema para sa senior citizens, buntis at PWDs.
Mayroon pang senior citizens na pinaakyat sa second floor. Mayroong matanda na hindi makaakyat. Ang iba, inabutan na ng regular voting hours na 7:00 a.m. Naghalu-halo na ang seniors sa iba pang botante. Mayroong senior na naunahan pa sa pila ng mga kabataang botante.
Matindi naman ang nangyaring aberya sa Camp Siongco National High School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Sampung oras na naatrasado ang botohan. Tinangka ng ilang grupo na hadlangan ang pagsisimula ng election sa nasabing lugar dahil tutol sila sa mga nakaupo sa electoral board. Nagkaroon pa nang pagkakagulo nang magpang-abot ang mga kampi sa kabilang grupo.
Naging malaking isyu rin ang pagpalya ng Automated Counting Machines (ACMs) sa maraming panig ng bansa. Ayaw higupin ng ACM ang balota kahit ilang beses na ipinasok. Humaba ang pila dahil sa pumalyang ACM.
Marami rin ang nagreklamo na hindi makita ang kanilang pangalan sa kabila na bumoto sila sa nakaraang election. Nagtataka sila kung bakit nawala ang kanilang pangalan at wala namang maipaliwanag ang mga namamahala sa voting precinct.
Kapansin-pansin din ang kakulangan ng mga silya kaya ang ibang bumuboto ay nakatayo na habang nagsi-shade sa kanilang balota.
Wala ring umaasiste sa mga botante kung ano ang gagawin sa balota. May mga botanteng nagtatanong kung lalagyan ba ng check ang bilog. Walang nagpapaliwanag na dapat ay isi-shade lamang ang circle.
Taliwas sa sinabi ng Comelec chairman na handang-handa na sila sa pagdaraos ng election. Marami pang dapat isaayos—at magawa sana ito sa mga susunod na election.