Political tug of war
Sino ang magwawagi sa nangyayaring tug of war ng mga kampong Marcos at Duterte? Mukhang may kanya-kanyang puntos ang dalawang kampo at taumbayan na lang ang bahalang humusga kung sino ang nakalalamang.
Tila umiskor ang Duterte nang bawiin ng Court of Appeals ang pagkakaabsuwelto sa kasong droga laban sa bagong halal na partylist representative na si Leila de Lima. Maari pa namang umapela ang panig ni de Lima at ang pagbawi ay hindi pa final and executory.
Lumabas ang balita matapos lamang alukin ni House Speaker Martin Romualdez si de Lima na magsilbing prosecutor sa gaganaping impeachment trial kay VP Sara Duterte. Kaya tanong ng iba, political move kaya ito ng Duterte camp? Hindi naman sana dahil pati image ng hudikatura ay nababatikan kung magkagayon.
Puntos naman para sa administrasyong Marcos Jr. ang pagpapalabas ng arrest warrant sa masugid na tagapagtanggol ni dating Pangulong Duterte na si Harry Roque na nasa Netherlands din upang humingi ng political asylum. Ang warrant ay mula sa Angeles City Regional Trial Court at kaugnay ito sa human trafficking sa operasyon ng ilegal na POGO.
Puntos naman sa mga Duterte ang pagwawagi ni dating Presidente Duterte kahit na nakapiit ngayon sa The Hague, Netherlands bilang preparation sa paglilitis sa kanya sa kasong crimes against humanity.
Bagama’t nasa top posts ang mga nanalong Senador na masugid na supporters ni dating Pangulong Duterte tulad nina Sen. Bong Go, Bato dela Rosa at Marcoleta, hindi pa matiyak kung ano ang tunay na political agenda ng ibang bagong halal na Senador.
Magkakaalaman na lang sa pag-usad ng impeachment trial.
- Latest