Sala sa lamig, sala sa init
Sinaksihan ni President Bongbong Marcos ang pagsunog sa bultu-bultong shabu na bilyun-bilyong piso ang halaga. Tama lang na saksihan ito ng Presidente upang siguruhing walang maitatabi at mailulusot muli sa pamilihan ng mga drug addicts.
Pero para kay Vice President Sara Duterte, kabalbalan ang ginawa ng Presidente at isa raw pamporma para sa publisidad. Hindi raw iyan gawain ng Presidente. Kunsabagay, para sa katulad ni Sara, walang tamang gagawin si Bongbong. Kahit maganda ang aksyon ni Bongbong, gagawan ng negatibong interpretasyon ni Sara at ng kanyang “think-tanks” sa layuning durugin ang Presidente.
Ako’y hindi supporter ni Bongbong. Yung huli ko ngang kolum ay tungkol sa isang dragon lady sa Malacañang na nagdidikta kung sino ang hihirangin o tatanggalin sa posisyon sa gabinete. Okay ang bumatikos basta nasa tamang hulog. Kung totoo iyan, hindi pala diktador si Bongbong gaya ng tatay niya kundi “dictated.”
Pero nakaaaliw na nakabubuwisit ang banat ni Sara at halatang hinahanapan ng pangit na anggulo ang bawat galaw ni Bongbong na ngayo’y kalaban niyang mortal lalo pa’t ipinamamarali niya ngayon na “frontrunner” siya sa 2028 presidential elections.
Tiyak ko na kung hindi binantayan ni Bongbong ang pagsusunog sa shabu, babanatan pa rin siya ni Sara at sasabihing pinabayaan ng Presidente na na-recycle ng mga tiwaling opisyal ang droga.
Baka idagdag pa ni Sara, nagreserba pa ng illegal na droga para sa personal na gamit ng Presidente na tinatawag niyang “bangag.” Sana maghanap ng totoong isyu ang kampo ng mga Duterte laban kay Marcos at huwag nang mag-imbento.
- Latest