Fuel Masters nilasing ng Beermen

Ibinitin ni San Miguel guard CJ Perez ang kanyang tira laban kay Sean Manganti ng Phoenix.
PBA Image

MANILA, Philippines — Nang magpakita ng puwersa ang San Miguel sa second period ay hindi na nakapalag ang Phoenix.

Bumanat si CJ Perez ng 26 points at kumolekta si Don Trollano ng 21 points, 5 rebounds, 2 assists at 2 steals sa 111-92 paglasing ng Beermen sa Fuel Masters sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Nagdagdag si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 20 points habang may 11 markers si Marcio Lassiter para sa tropa ni coach Leo Austria.

“There’s no other way for us but to win,” wika ni Austria. “Because if we lose baka bumaba kami sa eight place.”

Bumangon ang SMB mula sa naunang kabiguan sa TNT Tropang 5G para itayo ang 4-2 kartada at diniskaril ang asam na back-to-back wins ng Phoenix para sa 2-4 marka nito.

Kaagad nag-init si Pe­rez para ibigay sa Beermen ang 18-9 abante sa pagsisimula ng laro patungo sa 46-33 pagbaon sa Fuel Masters sa 5:48 minuto ng second period tampok ang magkasunod na four-point shots nina Trollano at Chris Ross.

Lalo pa itong pinalobo ng San Miguel sa 95-73 sa 6:37 minuto ng fourth quarter mula sa dunk ni Fajardo.

Saglit na nakalapit ang Phoenix sa 90-103 matapos makumpleto ni Ricci Rivero ang kanyang three-point play sa huling 2:10 minuto ng laro.

Ngunit isang basket at magkadikit na triples ni Perez ang muling nag­layo sa SMB sa 111-92 sa natitirang 1:06 minuto para selyuhan ang panalo sa Phoenix.

Show comments


OSZAR »