TNT nagsimula nang mag-init

MANILA, Philippines — Mula sa 0-3 panimula ay sumasakay ngayon ang TNT Tropang 5G sa tatlong sunod na ratsada sa Season 49 PBA Philippine Cup.
Unang tinalo ng Tropang 5G ang San Miguel Beermen, 89-84, bago isinunod ang Terrafirma Dyip, 110-74, at ang nagdedepensang Meralco Bolts, 101-84, noong Linggo para sa kanilang 3-3 record.
“More than the record, I think we’re seeing improvements on both sides of the ball, on defense and offense,” ani TNT coach Chot Reyes.
Sa pagdaig nila sa Meralco ay nagpasabog si Roger Pogoy ng game-high 34 points habang may 28, 13 at 10 markers sina Calvin Oftana, Rey Nambatac at Poy Erram, ayon sa pagkakasunod.
“Coming to this game, focus ko lang palagi is depensa lang talaga.
Susunod lang ‘yung offense. Ilang games na nga, ilan lang ‘yung points ko. Basta ang focus ko, depensa,” ani Pogoy na nagsalpak ng lima sa kabuuang 16 three-point shots ng TNT laban sa Meralco.
Magkakaroon ng pahinga ang TNT at muling sasalang sa Mayo 21 kontra sa Rain or Shine sa Ynares Center sa Antipolo City at puntirya ang ikaapat na sunod na arangkada para palakasin ang tsansa sa pambihirang PBA Grand Slam.
- Latest