Taduran patutulugin si Shigeoka sa rematch
MANILA, Philippines — Hangga’t maaari ay gustong pabagsakin ni Pinoy world minimumweight champion Pedro Taduran si Japanese challenger Ginjiro Shigeoka sa kanilang rematch.
Kapag kasi nauwi sa 12 rounds ang kanilang laban ay delikado ang tsansa ni Taduran kay Shigeoka na tinalo niya noong Hulyo ng nakaraang taon sa Tokyo, Japan.
“Talagang inisip ko lang i-knockout siya kahit anong rounds,” sabi kahapon ni Taduran (17-4-1, 13 KOs) na idedepensa ang kanyang International Boxing Federation (IBF) minimumweight crown kontra kay Shigeoka (11-1-1, 9 KOs) sa Mayo 24 sa Osaka, Japan.
Sa kanilang unang paghaharap ay umiskor ang 28-anyos na si Taduran ng isang ninth-round technical knockout win para agawin sa Japanese ang hawak nitong IBF title.
“Ang pinagplanuhan namin ni coach Carl (Peñalosa Jr. ) is ‘yung game plan namin sa laban. Naisip namin na tatakbo ‘yung kalaban, kaya may gagawin kami dun sa laban namin, kung babaguhin ‘yung laban,” dagdag ni Taduran.
Bilang preparasyon kay Shigeoka ay sumabak si Taduran sa 120 sparring rounds.
“Ang kalaban namin, ang gusto lang, suntok-alis, suntok-alis. Pagkatapos ng 12 rounds, delikado na kami. Kaya, knock out talaga ang target namin,” ani Peñalosa.
- Latest