TNT, Rain or Shine unahan sa 1-0 lead

MANILA, Philippines — Sisimulan ng TNT Tropang 5G ang kanilang misyon para sa pangarap na PBA Grand Slam sa pagsagupa sa Rain or Shine sa Game One ng Season 49 Philippine Cup semifinals series sa MOA Arena sa Pasay City.
Maghaharap ang Tropang 5G at Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang lasingan ng mag-utol na San Miguel Beermen at Ginebra Gin Kings sa alas-7:30 ng gabi sa kani-kanilang best-of-seven showdown.
Pinagharian ng TNT ang PBA Governors Cup at Commissioner’s Cup sa likod ni PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson para patibayin ang tsansa sa ‘three-peat’.
Ito naman ang ikaapat na sunod na semis appearance ng Rain or Shine na una at huling nagkampeon noong 2016 Commissioner’s Cup.
“They’re not going to give up so we have to be ready. There’s no other way. Hahanapan na lang namin ng paraan and whoever is healthy we’ll go with them,” ani Tropang 5G coach Chot Reyes sa Elasto Painters ni mentor Yeng Guiao.
“TNT, champion team going for a Grand Slam. But nandiyan kami, lalabanan namin sila. Tingnan natin kung hanggang saan ‘yung aabutin namin,” sagot ni Guiao.
Tinalo ng TNT ang Rain or Shine, 111-103, sa una nilang paghaharap noong Mayo 21.
Samantala, mag-uunahan din sa pagtatala ng 1-0 lead sa kanilang semis duel ang San Miguel at Ginebra na tumayong No. 1 at No. 4 teams sa quarterfinals, ayon sa pagkakasunod.
Nilasing ng Beermen ang Gin Kings, 104-93, sa una nilang pagkikita noong Abril 25.
- Latest