Quizon, Garcia nakipag-draw sa Round 2 ng UAE event

MANILA, Philippines — Hindi nagpasindak sina Pinoy Grand Master Daniel Quizon at Interna­tional Master Jan Emma­nuel Garcia sa mga seeded players matapos tumulak ng magkahiwalay na draws sa Round 2 ng Asian Individual Men’s Standard Chess Champion­ship, 2025 sa Danat Al Ain Resort Hotel sa United Arab Emirates.

Nakipagkasundo ng tabla ang 21-anyos na si Quizon kay GM David Paravyan ng FIDE ma­tapos ang 20 moves ng Petrov’s Defense Classical Variation.

Umabot naman ng 19 su­lungan ng Ruy Lopez ba­go nakipaghatian ng pun­tos si Garcia kay IM Qi B Chen ng China.

Hawak nina Quizon at Garcia ang tig-1.5 puntos at nakasiksik sila sa 12th place sa event na ipinatutu­pad ang nine rounds swiss system at may time format na 90min/40moves + 30min/end at 30 seconds increment kada tira.

Mapapalaban muli sina Quizon at Garcia sa third round dahil mga tigasin ang kanilang katapat.

Makikipag-tagisan ng isip si Quizon kay GM Sur­ya Shekhar Gunguly (elo 2569) ng India sa third round, habang nakatoka kay Garcia si Renjie Huang ng China.

Napako sa kalahating puntos si IM Paulo Bersamina matapos yumuko kay Super GM Nodirbek Yakubboev ng Uzbekistan.

Samantala, tabla rin ang resulta ng laban ni WGM Janelle Mae Frayna kay WGM Uurtsaikh Uurrintuya ng Mongolia.

Show comments


OSZAR »