Bolshevik bumida sa 3-Year-Old Maiden race
MANILA, Philippines — Walang kahirap - hirap na sinikwat ng Bolshevik ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kumaripas sa largahan ang Bolshevik upang hawakan agad ang bandera at makalamang ng apat na kabayo sa kaagahan ng karera.
Umabot pa sa anim na kabayo ang bentahe ng Bolshevik na sinakyan ni class A rider O’Neal Cortez habang nasa pangalawang puwesto ang Thy Will Be Done.
Pagsapit ng far turn ay nasa unahan pa rin ang matulin na Bolshevik pero apat na kabayo na lang ang lamang at nasa pangalawang puwesto na rin ang Baron Of Sipocot habang tersero na ang Harana.
Pagdating ng huling kurbada ay nasa three lengths na lang ang bentahe ng Bolshevik subalit nanatili ang tikas ng winning horse sa rektahan kaya magaan nitong tinawid ang meta sa tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race.
- Latest