4 paslit natusta sa sunog

Hindi nakalabas ng bahay…
MANILA, Philippines — Apat na paslit ang nasawi sa magkahiwalay na sunog na nangyari sa Sta. Mesa, Maynila at Bacolod City, Negros Oriental, naganap kamakalawa at kahapon ng madaling araw.
Hindi pa pinangalanan ang magpinsang paslit na nasawi sa Sta. Mesa, Maynila na halos hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ng buo nilang katawan at mukha.
Habang sa Bacolod City ay kinilala ang magkapatid na nasawi na sina Gabry Jhon Gutierrez, 8-anyos at Audrey Shantel Gutierrez, 6-anyos na halos natusta rin nang marekober ang mga labi sa kanilang kuwarto.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-3:42 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa tahanang pagmamay-ari ng isang alyas ‘Nora,’ sa Road 12, Phase 1, Brgy 628, sa Sta. Mesa.
Ayon kay Fire SInsp. Cesar Babante, Station 2 Commander ng BFP-Manila, unang iniulat na nawawala ang mga biktima, na ang tupok na bangkay ay natagpuan, alas-10:14 ng gabi sa ilalim ng mga debris ng nasunog na bahay.
Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog bago naideklarang fire under control, alas-6:50 ng gabi at tuluyang naapula, alas-3:05 ng madaling araw ng Martes.
Sa report naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) -Bacolod, alas-2:19 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report sa nasusunog na kubo sa nasabing lugar.
Sa pagresponde ng mga bumbero ay nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan kung saan nakulong sa kanilang kuwarto ang dalawang bata.
Ang ina ng mga ito ay umalis, alas-2:00 ng madaling araw at sumunod naman ang kanilang ama.
Sa imbestigasyon, hinihinalang ang naiwang nakasinding kandila malapit sa may pintuan ang pinagmulan ng sunog matapos na mag-brownout sa lugar.
Naapula ang sunog, alas-2:33 ng madaling araw.
- Latest