PhilHealth benefits i-promote sa mga miyembro - Bong Go
MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tiyaking ganap na maipapaalam sa bawat Pilipino ang kanilang membership status at mga benepisyong dapat makuha sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law. Idiniin ni Go na kailangan ng matibay na katibayan ng pagkakakilanlan ng mga miyembro ng PhilHealth na malaking tulong sa pagpapalakas ng kamalayan ng publiko sa pag-access ng mga libreng serbisyong pangkalusugan.
“Napakahalaga na alam ng bawat Pilipino na miyembro sila ng PhilHealth. Kapag sigurado sila sa benepisyo nila, hindi sila matatakot na magpa-check up o magpaospital,” ayon sa senador.
Ipinunto ni Go na sa kabila ng automatic coverage ng lahat ng Filipino sa ilalim ng UHC law, marami pa rin ang hindi nakaaalam ng kanilang membership.
Binanggit niya ang kamakailang numero mula sa PhilHealth na nagpapahiwatig na nasa 27.8 milyong Pilipino lamang ang kasalukuyang naka-enroll sa programang Konsulta (Konsultasyong Sulit at Tama).
Upang matugunan ito, isinusulong ni Go ang pagpasa sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2983, o ang panukalang Philippine Health Card Act of 2025 na naglalayong mag-isyu ng simple, abot-kaya, at matibay na ID—digital man o pisikal para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth.
- Latest