Escudero, nanindigang tatawid sa 20th Congress ang impeachment trial vs VP Sara

MANILA, Philippines — Nanindigan si Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayunman, sinabi ni Escudero na wala ring makapipigil sa mga senador na miyembro ng 20th Congress na talakayin muli ang ligalidad ng pagtawid ng proceedings.
Anim na sesyon na lang ang natitira bago mag-adjourn ang 19th Congress sa Hunyo 13 at inaasahang ang susunod na Kongreso na ang hahawak sa paglilitis sa sandaling magpulong pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 28 kung kailan magbubukas din ang 20th Congress.
Ayon kay Escudero, anuman ang naging desisyon ng 19th Congress hinggil sa usapin ng impeachment, hindi nito maaaring itali ang susunod na Kongreso.
“Pwedeng pagbotohan ‘yun ng plenaryo ng 19th Congress pero anuman ang desisyon namin, hindi pwede i-bind ‘yung 20th Congress. So pwedeng magkaroon ng ibang pananaw ‘yung 20th Congress. Halimbawa, pwedeng sabihin ng 19th Congress, tatawid ‘yan pero ang pasya ng 20th Congress, hindi tatawid ‘yan at idi-dismiss nila, so depende,” ani Escudero.
- Latest