EDITORYAL — Mga kaduda-dudang pangalan na naman

HABANG papalapit ang paglilitis ng Senado kay Vice President Sara Duterte, patuloy naman ang paglutang ng mga pangalan na umano’y tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Kung dati ay mga pangalan ng sitsirya, restaurant-café, cell phone, gulay at iba pa, ngayon naman ay mga pangalan ng celebrity at pulitiko ang lumutang.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakita ang pangalang “Marian Rivera” at “Chel Diokno” na nakapirma sa acknowledgement receipts na tumanggap ng confidential funds ni Sara. Pinabi-verify na ni Adiong sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) kung merong kapangalan ang aktres na si Marian Rivera at Akbayan party-list representative Chel Diokno. Ang acknowledgment receipt ay isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).
Ayon pa kay Adiong hiningi nila ang tulong ng PSA at NBI dahil marami pa umanong acknowledgement receipts na hindi pa nakikita. “Nung time na nagkaroon kami ng investigation dun sa Good Government, hindi lahat ng acknowledgement receipts ay nakita namin or nasiyasat namin nang maayos,” sabi ni Adiong.
Sa paglutang ng mga pangalang Marian Rivera at Chel Diokno, nadagdagan na naman ang mga pangalan na nakapirma sa acknowledgement receipts na isinumite ng COA sa House committee on good government and public accountability kaugnay sa iniimbestigahang P612.5 milyong confidential funds ni Sara.
Una nang lumutang ang mga pangalang Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova, Chippy McDonald, Pia Piattos-Lim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok.
Tinapos ng House committee on good government and public accountability noong Disyembre 2024, ang pag-iimbestiga sa hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo ng OVP at Department of Education (DepEd).
Noong Disyembre 2024, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA), 400 pangalan na nakapirma sa acknowledgment receipts ay wala sa kanilang data base. Wala ring record para sa individual’s birth, marriage at death record.
Kung totoo ang sinasabi ni Adiong na marami pang pangalan na nakalagda sa acknowledgment receipts, maaring matagalan pa bago ito lubusang maberepika. Sana sa gagawing paglilitis, malaman na ang buong katotohanan sa kontrobersiyang ito. Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito. Nagastos ba nang tama ang pera o napunta sa wala? Magkaroon sana ng kasagutan sa dakong huli.
- Latest