Saging (Part 8)
NAGPAGAWA ako ng tindahan sa harap ng aming lumang bahay at dun ko inilagay ang mga banana chips. Sabi ni Itay, tamang-tama ang tindahan dahil nasa highway. Puwedeng tumigil sa harap ang mga sasakyan para bumili ng banana chips bilang pasalubong. Si Itay ang may ideya na lagyan ko ng pangalan ang tindahan para matandaan ng mga tao.
“Dolfo, mabuting may pangalan ang tindahan mo. Para madaling makita ng mga bibili.”
“Opo, Itay.”
Nagpagawa ako ng signage: DOLFO’S BANANA CHIPS.
Nang makita ni Itay ang signage ay tuwang-tuwa siya.
“Ang ganda! Tiyak na dudumugin ang tinda mong banana chips, Dolfo,” sabi ni Itay.
“Kapag natikman nila ang banana chips na may flavor na garlic, masisiyahan sila, Itay.”
“Talaga?”
“Tamang-tama lang ang garlic.”
“Idinadasal kong magtuluy-tuloy na ang suwerte mo Dolfo. Masisiyahan ako kapag nagtagumpay ka—lahat kayong magkakapatid. Sa wakas ay nalaman mo rin ang halaga ng saging.”
“Opo Itay. Salamat sa paalala.”
Pumatok ang banana chips ko na iba’t iba ang flavor.
Umasenso ako nang todo. (Itutuloy)
- Latest