Imee burado sa ‘Mother’s Day’ message ni Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Kapansin-pansin na hindi isinama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang panganay na kapatid na si Sen. Imee Marcos sa mga binati niya ng Happy Mother’s Day kahapon.
Kasabay nang pagbati ng Happy Mother’s Day sa mga ina ng tahanan sa social media, nag-post pa ng larawan ang Pangulo kung saan makikita ang kanyang ina na si dating unang ginang Imelda Marcos, ang asawa na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at kapatid na si Irene Marcos-Araneta.
Sinabi ng Pangulo na ang mga ina ang tahimik na lakas ng bawat pamilya na nag-aalaga nang walang hinihinging kapalit.
“Mothers are the quiet strength behind every family. They care, nurture, guide and give of themselves without asking for anything in return,” ani Marcos.
Wala rin aniyang hangganan ang pagmamahal ng bawat ina.
“Their love knows no bounds—and neither does their sacrifice,” anang Pangulo.
Pinasalamatan din ni Marcos ang lahat ng ina ng tahanan kung saan naglagay pa siya ng “heart” na emoji sa kanyang mensahe.
“Ngayong Mother’s Day, taos-puso kong kinikilala at pinasasalamatan ang lahat ng ilaw ng tahanan. Maraming salamat sa inyong walang kapantay na pagmamahal at pagkalinga,” anang Pangulo.
Matatandaan na hindi na rin kasama sa mga ipinangampanya ng Pangulo ang kapatid na muling tumatakbo bilang senadora.
- Latest