Barko ng ‘Atin Ito’ binuntutan, itinaboy ng 2 Chinese vessels
MANILA, Philippines — Binuntutan at itinaboy ng dalawang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang MV Kapitan Felix Oca na sakay ang mga sibilyang Pilipino sa West Philippine Sea, nitong Martes ng umaga.
Ang CCG vessel na may bow number 3306 ay mayroon lamang 3 nautical miles ang layo mula sa Atin Ito ship habang ang CCG 21549 ay 5 nautical miles ang layo.
Namataan sila sa layong 45 nautical miles sa baybayin ng El Nido, Palawan.
Nagpadala ng radio challenge ang CCG na nagsabing pumasok ang mission vessel sa hurisdiksyon ng China subalit nagpatuloy lamang si Captain Jorge dela Cruz ng M/V Kapitan Felix Oca para makarating sa Pag-asa island.
Ang BRP Melchora Aquino at BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard (PCG) ang escort ng barko ng Atin Ito.
Noong Lunes nang simulan ng Atin Ito civil society coalition ang kanilang misyon sa WPS na “Sea Concert for Solidarity and Peace”.
Tatakbo mula Mayo 26 hanggang 30, ang misyon ay magtatampok ng makulay na lineup ng mga aktibidad, kabilang ang isang sunset musical send-off sa El Nido, mga dialogue sa komunidad, at mga palitan ng kultura at pagtatanghal ng konsiyerto sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas sa Pag-asa island.
Lulan ng M/V Kapitan Felix Oca ang nasa 150 indibidwal kabilang ang mga volunteers, artists, miyembro ng media at mga crew nito.
- Latest