WFH giit para mabawasan epekto ng EDSA rehab
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva ang pangangailangan para sa pagpapatupad ng Work From Home (WFH) law upang mabawasan ang epekto ng EDSA rehabilitation sa mga manggagawa.
Sinabi ni Villanueva, punong may-akda ng Republic Act No. 11165 o ang batas ng WFH, na kailangang ganap na ipatupad ang batas upang maprotektahan ang mga empleyado mula sa araw-araw na hirap ng matinding pagsisikip ng trapiko sa oras na magsimula ang proyekto ng rehabilitasyon sa Hulyo 13, na inaasahang matatapos sa 2027.
Giit ni Villanueva na hindi mabilang na mga empleyado ang nawawalan ng oras bawat araw sa trapiko para lamang mag-ulat sa mga opisina, na gumagawa ng mga trabahong maaaring gawin mula sa bahay gamit ang tamang mga kasangkapan at teknolohiya.
“Kawawa naman po ang ating mga empleyado na nauubos ang oras sa traffic dahil kailangan lang nilang pumasok sa opisina araw-araw para gawin ang trabaho na kaya naman nilang gawin sa kanilang kabahayan gamit ang tamang teknolohiya,” ani Villanueva.
“Kailangan nating maging mas mahabagin at makabago sa ating diskarte sa trabaho,” dagdag niya.
Ang RA 11165 ay nagpapahintulot sa mga pribadong employer na boluntaryong magpatupad telecommuting sa kanilang mga empleyado.
- Latest