DOH: PhilHealth support sa kidney-transplant patient, ‘for life’
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Department of Health (DOH) na ang suporta ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga kidney-transplant patients ay pang-habambuhay.
Inihayag ito ni Health Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, kasunod na rin ng ipinapatupad na bagong benefit package ng PhilHealth para sa mga pasyenteng may stage 5 chronic kidney disease (CKD) at sumailalim sa kidney transplant.
”’Yung mga post-kidney transplant for life. Mayroong for life, may forever na support ang Philhealth para sa post kidney transplant (patients),” ani Domingo.
Sa ilalim ng naturang bagong benepisyo ng PhilHealth, ang mga pasyenteng may stage 5 CKD at sumailalim sa kidney transplant ay pagkakalooban ng tulong pinansiyal na aabot ng mahigit P100,000 sa pediatric patients at mahigit P50,000 sa matatanda kada buwan.
Ang mga nabubuhay na kidney donors naman ay pagkakalooban rin ng P1,900 halaga ng laboratory tests at treatment tuwing ikaanim na buwan.
Una nang inianunsiyo ng PhilHealth na itinaas nila ng hanggang P2.1 milyon ang tulong pinansiyal na matatanggap ng mga CKD patients mula sa dating P600,000.
Kumpiyansa naman si Domingo na masusustenihan ito ng PhilHealth base sa projection ng mga eksperto.
Tinawag din niya itong ‘game changer’ lalo na at maraming pasyente ang tumatanggi nang sumailalim sa undergo kidney transplant dahil sa mataas na post-operation maintenance fee na maaaring umabot ng hanggang P50,000 kada buwan.
- Latest