Dugong Pinoy: Lumilikha ng Kasaysayan sa ibang bansa
Marami na ring mga indibidwal na may lahing Pilipino ang tumatatak sa kasaysayan ng dinayo o kinalakihan nilang dayuhang bansa. Matagumpay sa sarili nilang karera, kinikilala, humawak ng iba’t ibang posisyon sa pamahalaan, at pinarangalan.
Kabilang sa mga prominenteng Pilipino o Filipino-American sa United States ang 84 anyos na si Loida Nicolas-Lewis. Inilalarawan siya bilang magaling at propesyonal na abogado, community leader, bilyunaryang negosyante, pilantropo at book author.
May-ari si Lewis ng TLC Beatrice, isang malaking korporasyon na merong 64 kumpanya sa 31 bansa. Itinuturing na siya ang unang Pinay o Asian-American wo-man na nagmamay-ari ng isang billiondollar enterprise.
Ipinanganak noong 1942 at lumaki sa Sorsogon sa Pilipinas si Lewis. Mga negosyante ang kanyang mga magulang. Nagtapos siya ng B.A. Humanities sa St. Theresa’s College Manila at ng Bachelor of Laws sa University of the Philippines-Diliman. 7th place siya sa kanyang UP Class 1967.
Nang makapasa siya sa Bar exams at natanggap na maging abogado sa Pilipinas noong 1968, pinapunta siya ng kanyang ama sa Amerika bilang regalo.
Lumikha si Lewis ng kasaysayan nang maging isa siyang unang Pinay o unang Asyano na pinayagang magpraktis ng pagka-abogado sa New York, USA.
Batay sa napapaulat na mga kuwento ni Lewis, sa mga unang taon niya sa U.S. ay hindi pa siya isang citizen doon at hindi pa siya kuwalipikadong magtrabaho bilang abogado. Nang ipalabas ng US Supreme Court ang isang desisyon na nagtatadhanang hindi kailangang maging American citizen para makakuha ng bar exam, kumuha siya nito noong 1974. Kahit hindi siya nag-aral ng pagka-abogasya sa Amerika, nakapag-aplay siya at nakapasa sa Bar exam sa New York. Dahilan ito para siya ang maging unang Asian woman na nakalusot sa New York bar.
Isa namang entrepreneur, banker, television personality, mambabatas, pulitiko at anak ng OFW ang 44 anyos na Filipino-Canadian na si Rechie Valdez. Napaukit sa kasaysayan ng Canada ang kanyang pangalan nang siya ang ma-ging unang babaeng may lahing Pilipino na naging miyembro ng parliyamento ng naturang bansa at unang Filipino-Canadian na naging miyembro ng gabinete nito.
Sa kasalukuyan o habang isinusulat ito, hinahawakan ni Valdez ang posisyon bilang chief government whip sa administrasyon ng bagong Prime Minister ng Canada na si Mark Carney. Bago ito, naging small business minister siya sa gabinete ng dating prime minister nito na si Justin Trudeau. Nagsimula siyang mapasabak sa pulitika nang kumandidato siya at manalo bilang kinatawan sa parliament ng Mississauga-Streetsville sa halalan noong 2021.
Ipinanganak si Valdez sa Kitwe, Zambia noong Setyembre 17, 1980. Nang panahong iyon, nakipagsapalaran bilang overseas Filipino worker sa sentrong timog ng Africa ang kanyang mga magulang na sina Zosimo Salazar Jr. na isang engineer at Normita B. Salazar na isang nurse. Siyam na taong gulang siya nang tumulak para manirahan sa Canada ang kanyang pamilya.
Abogado at anak ng OFW ang Filipino-British na si Anthony Vaughan. Na-ging mambabatas siya nang mahalal siya bilang kinatawan ng Folkestone and Hythe sa parliyamento ng United Kingdom sa halalan doon noong 2024. Ayon sa mga ulat, siya ang unang Pilipino o mambabatas na may dugong Pilipino na nahalal sa UK.
Isinilang at lumaki si Vaughan sa Folkestone. Isang British ang kanyang ama.
Ang ina niyang si Aida Langrimas na nagmula sa San Roque, Samar ay unang dumayo sa Britain noong 1973 para magtrabaho roon bilang cleaner at carer.
Nag-aral si Vaughan ng Law sa St. Catharine’s College, Cambridge at nagawaran ng postgraduate LLM sa School of Oriental and African Studies, University of London. Naging lisensiyadong abogado siya mula noong 2006 sa UK. May 17 taon na siyang nagpapraktis ng pagka-abogado nang mahalal bilang mambabatas.
Napatala naman sa kasaysayan ng Harvard Law School (HLS) ang pangalan ng isang abogadang Pilipina na si Erlinda Arce Ignacio Espiritu.
Ang HLS na isang institusyon sa abogasya sa Harvard University sa Cambridge, Massachusetts, United States ay itinuturing na pinakamatandang law school sa U.S. Itinatag ito noong 1817 at aktibo hanggang sa kasaluku-yan.
Napakatagal na panahong puro mga lalakeng estudyante ang tinatanggap dito mula nang itatag ito at noon lang mga 1950s nagsimula itong tumanggap ng mga babaeng estudyante.
Sa pagbabago ng patakaran ng HLS, nag-aral dito si Espiritu. Lumikha siya ng kasaysayan nang siya ang maging unang babae at unang Pilipina na nakatapos at nagtamo ng degree sa pagka-abogasya sa prestihiyosong eskuwelahang ito noong 1951.
Maging ang HLS ay nagbigay-pugay kay Espiritu na nagtampok sa kanyang tinahak na landas bilang nangungunang abogado at inspirasyon ng mga babaeng abogado.
Ipinanganak si Espiritu sa Mindoro sa Pilipinas noong 1030. Nagmula siya sa pamilya ng mga abogado at pulitiko.
Grumadweyt siya sa Manuel L. Quezon School of Law noong 1947 at napabilang siya sa mga unang iilang babaeng abogado sa Pilipinas.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest