^

PSN Opinyon

Giyerang maaring lamunin ang mundo

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

ANG sigalot sa pagitan ng Israel at Iran ay hindi simpleng away ng dalawang bansa. Isa itong masalimuot na kuwento ng kasaysayan, ideolohiya, at relihiyong halos ilang dekada nang naglalagablab. At ngayong sumabog na naman ito sa isang madugong bakbakan, ang tanong ng daigdig: Kailan ito titigil at sino ang susunod na madadamay?

Ang Israel ay isang bansang Hudyo, habang ang Iran ay isang bansang Islamikong Shiite. Ang relihiyon ay hindi lang pananampalataya sa dalawang bansang ito. Ito ay pundas­yon ng kanilang pagkatao, estado, at pamahalaan. Para sa Iran, ang Israel ay isang “bastusan ng Kanluran” isang iligal na estado na pumapaslang sa mga Palestino at sumasakop sa lupang sagrado para sa mga Muslim.

Para naman sa Israel, ang Iran ay ang pangunahing banta sa kanilang kaligtasan. Ang pangako ng Iran na “burahin ang Israel sa mapa” ay hindi basta retorika. Ito ay kinikilala ng Israel bilang direktang banta sa kanilang pag-iral. Patuloy ang pag-unlad ng Iran sa larangan ng teknolohiya nukleyar. Pi­na­ngangambahan ng Israel at ng mga kanluraning bansa, lalo na ng US na ang layunin ng Iran ay makabuo ng sandatang nukleyar na maaaring gamitin laban sa Israel. Dahil dito, ilang beses nang umatake ang Israel sa mga pasilidad ng Iran.

Ang Iran ay kilalang tagasuporta ng mga armadong grupo gaya ng Hezbollah sa Lebanon at Hamas sa Gaza—mga grupong binansagan ng Israel at ng iba pang bansa na tero­rista. Sa mga nagdaang taon, maraming Israeli civilian ang nasawi sa mga rocket attack na sinasabing suportado ng Iran. Bilang tugon, paulit-ulit ding umatake ang Israel sa mga kampo ng Hezbollah at Hamas.

Sa pinakahuling serye ng karahasan, tumama ang mga missile ng Israel sa mga target na konektado sa Iran, kabi­lang ang mga tauhang militar, intelligence headquarters, at armory. Bumuwelta ang Iran at nagpakawala ng daan-daang drones at missiles na tumama sa mga lugar sa Israel, nagdulot nang matinding pinsala at pagkamatay.

Hindi na ito palitan ng insulto. Hindi na ito lihim na galawan. Bukas na ang bangayan. Kasabay ng pagsabog ng mga bomba, sumasabog din ang takot sa mundo. Kapag hindi ito napigil, hindi lang Israel at Iran ang madadamay. Papasok ang U.S., dahil matagal nang kakampi nito ang Israel. Sa­sali rin ang mga kaalyado ng Iran tulad ng Russia at ilang Arabong bansa. Hindi malabong lumawak ito at maging Ikatlong Dig­maang Pandaigdig sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Mabubulabog ang pandaigdigang ekonomiya, tataas ang presyo ng langis, magtatakbuhan ang mga refugee, at lalong malulubog sa gutom at kaguluhan ang mga bansang gaya ng Pilipinas.

Hindi man tayo direktang kabilang sa giyerang ito, may epekto ito sa ating araw-araw. Tataas ang gasolina, mama­mahal ang bilihin, lalong mangangapa sa dilim ang mga mahihirap nating kababayan. Mas masaklap, sa panahong dapat nagtutulungan ang sangkatauhan, muling nangingibabaw ang poot, ang relihiyosong pagkakawatak-watak, at ang hindi matighaw na paghahangad ng kapangyarihan.

Kung magpapatuloy ang digmaang ito, hindi lang lungsod ang masusunog. Maaaring matupok ang kinabukasan ng ating lahi. Hindi ito panahong manood na lang sa TV o mag-scroll sa social media. Dapat tayong manindigan para sa kapayapaan. Igiit ng mga lider ng mundo, kabilang ang Pilipinas, ang mas aktibong papel sa pagtutulak ng tigil-putukan. Dahil kapag sumiklab ang pandaigdigang giyera, wala ni isa sa atin ang ligtas.

ORA MISMO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
OSZAR »