EDITORYAL — Bullying sa school, ireport sa hotline 911

HINDI lamang ang mga nangyayaring krimen ang maaaring ireport sa Philippine National Police (PNP) kundi pati na rin ang pambu-bully sa school. Sabi ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III, maari nang ireport ang insidente ng pambu-bully sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline 911. Ginawa ni Torre ang pahayag noong Lunes sa pagbubukas ng school year 2025-2026. Ayon kay Torre, mahigpit na susubaybayan ng pulisya ang bullying bilang isa sa mga pangunahing alalahanin sa pagbubukas ng klase.
Sa pagre-report ng nangyayaring bullying, i-dial daw ang 911. Sasagutin ito ng mga naka-duty na police personnel at saka ipapasa sa local police stations. Ang mga pulis sa local stations ang makikipag-coordinate sa mga pinuno ng eskuwelahan. Sa ganitong paraan mapipigilan ang bullying at hindi hahantong sa karahasan. Tiniyak ni Torre sa mga magulang na prayoridad ng PNP ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ang aksiyon ni Torre laban sa mga nangyayaring bullying sa school ang maaring kasagutan sa mga nagaganap na karahasan. Ang pambu-bully ng estudyante sa kapwa niya estudyante ay isa sa mga problemang dapat masolusyunan. Humahantong sa madugong paghihiganti ang bunga ng pambu-bully. Natatanim sa isipan ng biktima ang ginawa sa kanyang pambu-bully at hindi siya natatahimik hangga’t hindi nakagaganti.
Noong nakaraang Abril, isang lalaking Grade 8 student sa sa Moonwalk National High School sa Parañaque ang pinagsasaksak ang kanyang kaklaseng babae. Ang dahilan nang pananaksak: binully umano siya ng classmate na babae. Ayon sa pulisya, pagpasok umano sa school ng lalaki, nagdala ito ng kitchen knife na itinago sa backpack. Nang mag-recess, nilapitan umano ng lalaki ang babae at saka pinagsasaksak nang maraming beses sa harap ng mga kaklase. Isinugod sa ospital ang babae pero dead-on-arrival na ito.
Ayon sa ina ng babae, nabanggit umano ng anak na mayroong nagbabanta sa kanyang buhay—kaklase raw nitong lalaki. Hindi umano akalain ng ina na mangyayari sa kanyang anak ang karumal-dumal na kamatayan. Hindi nabatid kung anong pambu-bully ang ginawa ng babae sa lalaki para siya saksakin.
Ang Pilipinas ay tinaguriang “bullying capital of the world”. Nakadidismaya ang taguring ito. Nagpapatunay na maraming nagaganap na pambu-bully sa mga eskuwelahan. At ang mga ito ay hindi namo-monitor ng mga guro at principal mismo. Nagkaroon sila ng pagkukulang.
Ngayong nagbukas na ang SY 2025-2026, sikapin ng DepEd na matigil na ang mga nagaganap na bullying. Katulong ang PNP, ipakita ng DepEd na kaya nilang mapangalagaan ang mga estudyante laban sa bullying.
- Latest