Belen babandera sa PVL draft

MANILA, Philippines — Nakatutok ang lahat sa mga top volleyball players na sasalang sa inaabangang Premier Volleyball League (PVL) Draft para sa susunod na kumperensiya ng pinakaunang professional league sa bansa.
Inaasahang dadagsain ng mga aplikante ang naturang draft partikular na mula sa katatapos na UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Nangunguna na sa listahan si three-time UAAP MVP Bella Belen ng National University na sariwa pa sa matagumpay na pagkopo ng back-to-back UAAP titles.
Kasama rin sa mga posibleng lumahok sina NU middle blockers Eri Pangilinan at Sheena Toring na pareho ring natapos na ang playing years sa UAAP.
Wala pang linaw kung sasali si NU opposite hitter Alyssa Solomon na target makapaglaro bilang import sa professional league sa ibang bansa.
Magkakaalaman ng listahan sa oras na magsumite na ng aplikasyon ang mga players dahil nakatakda sa Mayo 23 ang deadline na inilatag ng PVL.
Maliban sa mga local players, ilang Filipino-foreign applicants din ang nagparamdam sa PVL Draft.
Subalit magiging mahigpit ang liga sa requirements kung saan kailangan ng Philippine passport bago ang May 23 deadline.
Ang mga collegiate volleyball players na hindi galing sa UAAP o NCAA ay pinagsusumite ng endorsement letter mula sa kanilang collegiate coach o athletic director.
Sa ngayon, ang Nxled ang posibleng may karapatang pumili ng No. 1 overall pick kasunod ng Capital1, Farm Fresh at Galeries Tower.
Pipili rin ang ZUS Coffee, Cignal, Chery Tiggo, Choco Mucho, PLDT, Akari, Petro Gazz at pinakahuli ang Creamline.
Sa oras na mapangalanan na ang mga PVL Draft applicants, sasalang ito sa two-day Draft Combine sa Mayo 30 hanggang 31.
Papangalanan ang final list sa Hunyo 4 habang gaganapin ang PVL Draft sa Hunyo 8.
- Latest