Eala bigong makapasok sa semifinals ng Ilkley Open
MANILA, Philippines — Minalas si Alex Eala sa kanyang quarterfinal match kontra kay reigning champion Rebecca Marino ng Canada, 6-1, 0-6, 6-7 (4-7), sa WTA 125 Ilkley Open kahapon sa Great Britain.
Kinapos ang Pinay netter sa hangad niyang pagpasok sa semifinals.
Dinomina ng 20-anyos na si Eala ang first set, 6-1, bago nakatabla ang 34-anyos na si Marino sa second frame, 6-0.
Pumalag si Eala sa third set kung saan siya nakatabla sa 6-6.
Ngunit ginamit ni Marino ang kanyang malawak na eksperyensa para tuluyang angkinin ang panalo.
Lalabanan ni Marino sa semis ang sinumang mananalo kina Amarni Banks ng Great Britain at Celine Naef ng Switzerland sa isa pang quarterfinals game.
Si Marino ay minsang pumuwesto sa No. 38 sa buong mundo at dalawang beses na hinirang na Female Player of the Year ng Tennis Canada.
Nagmula naman si Eala sa 6-1, 6-2 demolisyon kay Valentina Ryser ng Switzerland sa Round of 16 noong Huwebes para makapasok sa quarterfinals.
Nauna nang pinatumba ni Eala si Fil--Australian Lizette Cabrera, 7-6 (7-4), 6-3, sa una niyang laro.
Bago ang kanyang mga panalo sa Ilkley Open ay apat na sunod na kabiguan ang nalasap ni Eala sa huling apat na torneong nilahukan niya.
Kasama rito ang pagkakatalsik niya sa French Open main draw.
- Latest