Anim na beteranong artista, paparangalang movie icons ng EDDYS

Pararangalan bilang Movie Icons ngayong 2025 ng 8th EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society Of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang mga respetado at beteranong artista na sina Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Rosemarie Gil, Eddie Mesa at Pen Medina.
Iginagawad taun-taon ang EDDYS Icons sa mga haligi ng industriya bilang pagkilala sa kanilang hindi matatawarang pagmamahal, dedikasyon at mahalagang kontribusyon sa entertainment industry.
Ang ika-8 edisyon ng The EDDYS ay gaganapin sa darating na July 20, 2025 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City, at magkakaroon ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.
Mamimigay rin ng 14 acting at technical awards ang SPEEd na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.
Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi sa 8th EDDYS ay ang Isah V. Red Award (ang mga walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), at ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).
Pararangalan din sa 8th Eddys awards Producer of the Year na naging masigasig sa paggawa ng mga de kalidad na pelikula na nag-iwan ng aral sa mga manonood.
Muli ring bibigyang-pugay at parangal ng samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas, na binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals, ang mga tumaya para sa patuloy na pagbangon ng Philippine movie industry sa ikalawang taon nito ng The EDDYS Box Office Heroes.
Co-presenter ng 8th Eddys ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek ni Eric Quizon.
Para sa karagdagang detalye, maaaring i-follow ang official Facebook page ng The Eddys (The Entertainment Editors Choice).
- Latest