Apela ni Duterte tinabla ng ICC
MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag payagang lumahok ang dalawang hukom sa pagdedesisyon tungkol sa hurisdiksiyon ng tribunal sa kasong crimes against humanity ng dating Pangulo.
Sa isang apat na pahinang desisyon na may petsang Mayo 6, binigyang-diin ng chamber na ang paghingi ng pagliban (excusal) ng isang hukom ay maaari lamang gawin ng mismong hukom sa pamamagitan ng pag-apruba ng presidency ng ICC, taliwas sa disqualification na maaaring hilingin ng mga panig sa kaso.
Ang desisyon ay pinirmahan ni Presiding Judge Iulia Antonella Motoc.
Ang apela ng kampo ni Duterte ay inihain noong Mayo 1, habang ang pagtutol ng prosekusyon ay isinumite noong Mayo 5.
Hiniling ng kampo ni Duterte ang bahagyang pagliban nina Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera sa usapin ng hurisdiksiyon dahil umano sa “posibilidad ng pagkakaroon ng inaakalang pagkiling. Ayon sa kanila, maaaring magkaroon ng ganitong persepsiyon dahil sa nauna nang desisyon ng mga naturang hukom sa halos kaparehong isyu na may kaugnayan sa sitwasyon sa Pilipinas.
Sina Motoc, Alapini-Gansou, at Flores Liera rin ang lumagda sa warrant of arrest.
- Latest