Pangulong Marcos Jr. kay PCO Sec. Ruiz: Tuloy lang sa trabaho!

MANILA, Philippines — Sinabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Jay Ruiz na ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO), sa kabila ng pagkaantala ng kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments. “Ayon po sa Pangulo, magtuluy-tuloy lang po sa kaniyang pagtatrabaho si Secretary Jay,” pahayag ni Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing nitong Martes.
Tiniyak din ni Castro na hindi maaapektuhan ang mga pangunahing programa ng PCO, lalo na ang kampanya laban sa disimpormasyon, sa gitna ng isinasagawang pagrepaso sa liderato ng ahensiya.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang pangunahing media organizations kay Ruiz, kabilang ang Justice Reporters’ Organization (JUROR), SOCSKSARGEN Press Club, at Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI).
Binanggit ng JUROR ang tagal ng serbisyo ni Ruiz bilang mamamahayag na patas, may integridad, at may malalim na pag-unawa sa papel ng media sa demokrasya. Inilabas din ng SOCSKSARGEN Press Club ang kanilang Manifesto of Support, kung saan pinuri nila ang broadcast expertise at media network ni Ruiz.
Habang ang PAPI ay iginiit na ang katatagan sa pamumuno ng PCO ay mahalaga upang mapanatili ang malinaw at maaasahang mga mensahe ng administrasyon.
- Latest