^

Punto Mo

Baterya ng cell phone: Laging mainit na isyu

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

SA dinami-dami ng mga magagandang katangian ng mga makabagong smartphone ngayon—tulad ng camera, Artificial Intelligence (AI), apps, wifi, at internet—nananatili pa ring pangunahing isyu ang maikling buhay ng baterya. Sa kabila ng high-tech na features, isa pa rin sa pangunahing tinitingnan ng mga bumibili ng bagong cell phone ay ang kapasidad ng baterya nito.

Sa ibang bansa, malinaw ang datos. Sa ilang survey tulad ng  Talker Research at ng American Customer Satisfaction Index (ACSI)  sa U.S. noong 2024 at ngayong 2025, lumitaw na 87 percent ng consumers ay nagnanais ng mas matagal na battery life kaysa sa kahit anong bagong feature.

Sa Honor Battery Survey sa Europa (2024), halos 60 percent ng respondents ang nagsabing ang tagal ng baterya ang pangunahing basehan nila sa pagbili ng bagong device. Maging sa China, lumabas sa GSMA Mobile Economy Report 2024 na ang battery longevity ay kabilang sa top three concern ng mga mobile users dito.

Wala pang lantad na survey sa Pilipinas, pero kung pagmamasdan ang mga gumagamit ng cell phone dito, malinaw ang karanasan: madalas ang pagre-recharge, gamit ang power bank, o pagkakabigla sa pag-lowbat ng cell phone. Napuputol ang tawag, ang chat, ang panonood, o ang laro—dahil lang sa naubos ang baterya. Wala kang magagawa kundi mainis at maghintay habang nagre-recharge.

Mahalaga na sa pang-araw-araw na buhay ang cell phone. Parang may kulang kapag wala ito. Pero kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ang pagbawas sa laki at kapal ng mga cell phone. Dahil dito, mas maliit din ang bateryang naisasama sa loob.

Sa karaniwan, tumatagal ang baterya ng cell phone ng isa hanggang tatlong araw, depende sa gamit. Bilang solusyon, maraming cell phone brand ang naglalagay ng “fast charging” feature na umaabot lang ng 15-30 minuto para mapuno. Mayroon ding power-saving mode bagaman hindi lahat ay aktibong gumagamit nito.

Naging alternatibo rin ang power bank, pero gaya ng cell phone, kailangan din nitong i-recharge. Sa dami ng gamit ng cell phone—social media, video, games, AI, at iba pa—hindi kataka-takang mabilis maubos ang baterya. Sa totoo lang, kahit anong tipid sa paggamit ay tila hindi sapat sa mga heavy user.

May mga cell phone na tumatagal ang baterya ng isang linggo—karaniwang tinatawag na “rugged phones” o off-grid phones. Ilan sa mga ito ay gaya ng Unihertz Tank at Oukitel WP series na may bateryang aabot sa 22,000mAh. Pero ang kapalit nito ay bigat, laki, at presyo. Hindi ito para sa karamihan ng consumer na mas gusto ang magaan, payat, at stylish na phone.

Naaalala mo ba ang mga cell phone noong 1990s? Malalaki, makakapal, at mabibigat. Wala pa noong text, internet, o social media—pantawag lang talaga. Dahil kakaunti ang gamit, mas matagal ang baterya, umaabot ng isa hanggang dalawang linggo.

Meron pang “feature phones” noon gaya ng Nokia 5110 na tumatagal ng apat na araw o higit pa. Pero hindi rin ito umaabot ng isang buwan ng tuloy-tuloy na gamit. At gaya rin ngayon, kailangang i-charge kapag araw-araw ginagamit.

Kaya kahit noon o ngayon, hindi pa rin nalulutas ang suliranin ng limitadong battery life. Hindi pa rin naabot ng kahit anong cell phone ang bateryang kayang tumagal ng isang buwan sa tuloy-tuloy na gamit.

Sa ngayon, tanggap na lang ng maraming user na araw-araw ang charging, kasama ng mga power bank, solar charger, o low-power mode. Pero darating kaya ang panahong ang cell phone ay tatagal ang baterya nang isang buwan, tatlong buwan, o isang taon? Baka nga hanggang panaginip pa lang ito ngayon—ngunit baka, balang araw, magkatotoo rin.

-oooooo-

Email: [email protected]

NOKIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
OSZAR »