EDITORYAL - Hustisya sa 34 na sabungeros

Matatandaan na sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla noong Pebrero 2024 na maaaring patay na ang mga sabungeros. Sinabi ni Remulla na mabigat ang sitwasyon kaya ganito ang maaaring isipin sa kinasapitan ng mga sabungeros. Ngayo’y tila nagkakaroon na ng katotohanan ang sinabi ng Justice Secretary dahil sinabi ng Philippine National Police (PNP) base sa pagtatapat ng states witness na patay na at inilibing sa Taal Lake ang 34 na sabungeros. Sabi ni Remulla, magpapadala siya ng tactical divers para masisid ang mga sabungeros.
Ayon sa PNP, sinabi ng whistle blower na si alyas “Totoy” na nilagyan ng pabigat na sakong may buhangin ang mga bangkay para hindi lumutang sa Taal Lake. Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, gagamitin nila ang mga ipinahayag ni Totoy para maimbestigahang muli ang pagkawala ng mga sabungeros. Sinabi ni Fajardo na malaking development ang mga ipinagtapat ni Totoy para malutas at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng sabungeros.
Noong 2023, sinabi ng PNP na ang nakikita nilang motibo sa pagkawala ng mga sabungeros ay bilang pagganti sa ginagawa umanong pandaraya ng mga sabungeros. Malaki umano ang nalulugi ng may-ari ng sabungan. Ayon pa rin sa imbestigasyon ng PNP, sangkot ang mga nawawalang sabungeros sa game-fixing.
Nawala ang 34 na sabungeros noong Disyembre 2020 hanggang Enero 2022. Hindi sabay-sabay ang kanilang pagkawala at iba’t iba rin ang lugar kung saan sila nawala na hinihinalang dinukot. May nawala sa Maynila, Bulacan, Rizal at Laguna. Dinukot ang mga ito habang nasa sabungan at ang iba ay habang palabas sa sabungan.
Anim na security guards ng Manila Arena ang sinampahan ng kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng mga sabungeros subalit noong Disyembre 2023, pinayagang makapagpiyansa ang mga ito. Naglagak ng tig-P3 milyong piyansa ang mga sekyu.
Malaking hamon sa PNP sa pamumuno ni General Torre ang kaso ng 34 sabungerors. Malaking kaluwagan sa dibdib ng mga kaanak ng sabungeros ang ipinahayag ni Torre na pangungunahan niya ang paghahanap sa bangkay ng sabungeros. May nakikita na silang liwanag. Pagkalipas ng apat na taon ay magkakaroon din ng kasagutan ang mga katanungan. Kapag natagpuan ang bangkay ng mga biktima, matukoy din sana ng PNP kung sino ang nasa likod o “utak” ng pagpatay. Dito ganap na masasabing lutas na ang kaso ng sabungeros.
- Latest