Defense team ni VP Sara handa na

MANILA, Philippines — Tiniyak ng defense team ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes na nakahanda na silang ipagtanggol ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Inilabas ng panel ng depensa ni Duterte ang pahayag ilang araw matapos batikusin ng mga legal luminaries, mga miyembro ng akademya, at iba pang grupo ang Senado sa diumano’y pagkaantala ng impeachment trial ng Bise Presidente.
“Inuulit namin ang aming matatag na posisyon na ang pagsisimula ng proseso ng impeachment—partikular na ang Fourth Impeachment Complaint—ay nagdurusa sa malubhang kahinaan sa konstitusyon,” pahayag ng defense team ni Duterte.
Nakasaad din na ang proseso ng impeachment ay hindi dapat gamitin na armas para manggulo, patahimikin, o maalis ang mga kalaban sa pulitika.
“Gayunpaman, kung pipiliin ng Senado na magpatuloy, nakahanda kaming harapin ang mga kaso at ilantad ang kawalang-basehan ng mga akusasyon laban sa Bise Presidente.”
Una nang sinabi ni Senate President Francis Escudero na haharapin ng Senado ang ouster case kapag muling nagtipon ang Senado sa Hunyo 2, ngunit kalaunan ay inilipat ang agenda sa Hunyo 11, ang huling araw ng sesyon ng 19th Congress.
Nauna nang sinabi ni Duterte na kukuwestyunin ng kanyang kampo ang pagtawid ng impeachment case laban sa kanya mula sa 19th Congress hanggang 20th Congress dahil iba na ang magiging komposisyon ng susunod na Kongreso.
- Latest