Torre bagong PNP chief

MANILA, Philippines — Hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Papalitan ni Torre si outgoing PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil, na magreretiro sa unang linggo ng Hunyo.
Bago naging CIDG chief, pinangunahan ni Torre ang pagpapatupad ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court noong Marso ngayong taon.
Bago naman italaga si Torre bilang hepe ng CIDG, naging hepe siya ng Davao Region police na nanguna sa operasyon laban kay pastor Apollo Quiboloy noong nakaraang taon.
Nauna rito, sinabi ni Marcos na pipili siya ng isang “very senior officer” na “alam ang sitwasyon” para pamunuan ang 228,000-strong police force.
Ayon kay Bersamin, limang pangalan ang kinonsidera ng Pangulo para sa PNP chief.
Hindi na ibinunyag ni Bersamin ang mga pangalan ng iba pang pinagpilian.
Ang paghirang aniya sa mga opisyal ng PNP ay dapat manatiling confidential.
Sinabi ni Bersamin na hindi niya masasabi kung ang pagkaka-aresto kay Duterte ang dahilan kaya itinalaga si Torre bilang PNP chief.
Tiniyak ni Bersamin na ang tanging pinagbabasehan ng Pangulo sa pagtatalaga ng mga opisyal ng gobyerno ay ang kanilang performance.
- Latest