‘I want bloodbath’
ILANG kandidatong senador sa tiket ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., ang hindi pinalad. Palagay ko, malaking epekto ang pag-aresto at pagbiyahe kay dating President Rodrigo Duterte sa Tha Hague sa utos ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity kung saan 6,000 ang napatay sa kampanya sa war on drugs.
Malaki ang paniwala ko na wrong timing ang pag-aresto kay Duterte noong Marso 11. Inaresto siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ilang oras makaraang dumating mula sa Hong Kong. Sabagay noon pa, ilang beses nang sinabi ni Duterte na handa siyang harapin ang mga taga-ICC. Hinamon pa nga niya ang ICC na magtungo sa Pinas at arestuhin siya. Gawin na raw ang pag-aresto at baka raw mamatay na siya.
Kumalas na ang Pinas sa ICC noong 2017. Pero sabi ng ICC, kahit kumalas ang Pilipinas, maaari pa ring kasuhan ang dating Presidente dahil naganap ang madugong drug on war noong member pa ang Pinas.
Dahil nga sa pag-aresto ng Interpol sa tulong ng PNP kay Duterte, palagay ko ito ang naging batayan ng supporter ng dating Presidente na huwag iboto ang mga kandidato ni PBBM. Tatlong kandidato ni PBBM ang pinulot sa kangkungan.
Hindi rin nanalo ang mga kongresista na nag-impeached kay Vice President Sara Duterte. Kaya hindi na sila makakabilang sa isasagawang impeachment hearing kay Sara sa June 30. Itsa puwera na sila.
Napag-alaman ko naman na may mga sumisisi kay Senate President Chiz Escudero dahil mabagal daw ang aksyon nito sa impeachment. Lagi raw katwiran ni Escudero ay naka- recess ang Senado at House of Representatives.
Nalaman ko rin na nangangamba ang ilang mambabatas na nag-impeached kay Sara dahil iilan na lang daw ang natitirang gigisa sa maanomalyang paglustay ng pondo ni Sara sa Department of Education (DepEd) at maging sa Office of the Vice President.
Nabalitaan ko na kumikilos na ang mga kaalyado ni Sara na papalitan ang Senate President ng kaalyado nila. Hindi imposible dahil hindi nagkakalayo ang bilang ng mga senador na kaalyado ng administrasyon.
Maging sa House of Representatives ay ganundin ang aking nabalitaan. Nabasa ko sa mga report na isinusulong si Polong Duterte na maging House Speaker. Kapag nangyari ito, walang kahirap-hirap na absuwelo na si Sara sa mga inaakusa sa kanya.
Sinabi naman ni Sara na handang -handa na siyang harapin ang impeachment laban sa kanya. Gusto na raw niya ng “bloodbath” sa impeachment trial. Sagot naman ng administrasyon, masyadong bayolente ang pahayag na ito.
Kaya nakikita ko na kapana-panabik ang impeachment trial sa Hunyo. Kaabang-abang ang mangyayari. May isang kahahalal na mambabatas na nagsabing nakikita niyang mako-convict si Sara batay sa kanyang nakitang pag-iimbestiga ng House quad committee noong nakaraang taon.
Abangan.
- Latest