2 Chinese na blacklisted, naharang ng BI

MANILA, Philippines — Dalawang Chinese na itinuturing na mga illegal alien ang naharang ng mga tauhan ng Bureau ng Immigration (BI) matapos na tangkaing umalis ng bansa sa pamamagitan ng backdoor at sakay ng bangka sa Tawi-Tawi.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga nadakip na sina Lin Yu, 27 at Liu Fei, 35 na ngayon ay nasa kustodiya na ng Maritime Police Station ng Tawi-Tawi.
Naiulat na regular na nagsagawa ng foot patrol operation ang Maritime Police sa kahabaan ng karagatan ng Poblacion sa Bongao, Tawi-Tawi, kasama ang 1st Special Operations Unit - Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit, Marines Battalion Landing Team 4, 2nd MCIC at Municipal Inter-Agency Committee Against Trafficking (MIACAT) Bongao Committee nang mamataan ang dalawang Chinese na sakay ng bangka mula sa Zamboanga City.
Nagpakilala ang dalawa gamit ang kanilang passport subalit nakumpirma na blacklisted sa BI simula pa noong 2023.
Ililipat sila sa pasilidad ng BI sa Taguig kung saan mananatili sila hanggang sa kanilang deportasyon.
- Latest