1 suspek na nagpasabog sa spa, arestado

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isa sa apat na suspek na sinasabing sangkot sa pagpapasabog sa isang health spa nitong Huwebes sa Quezon City.
Sa report na tinanggap ni Quezon City Police District (QCPD)Deputy District Director fo Administation/Officer-in-Charge PCol. Randy Glenn Silvio, bandang alas-7:50 ng gabi nitong Sabado nang makalawit ng District Intelligence Division (DID), Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), District Special Operations Unit (DSOU), District Anti-Carnapping Unit (DACU), CIDG-QC, Kamuning Police Station 10, at opratiba ng Valenzuela City Police Station ang negosyanteng si alyas John Paul, 24 at nagsilbing driver ng riding in tandem na umano’y naghagis ng granada sa White House Spa sa Brgy. Obrero, Quezon City.
Habang pinaghahanap naman ang tatlo pang suspek na sina alyas Reginaldo, na isang SK Kagawad ng Caloocan City, alyas Arnelly na umano’y middleman at isa pang hindi nakikilala na pinaniniwalaang mastermind sa insidente. Si Arnelly ang nakikipag usap sa mastermind at sa suspek alyas Reginaldo.
Napag-alaman na nadakip si John Paul matapos na makilala sa CCTV at masundan ito sa Valenzuela City at nakitang nagpalit ng damit at naglagay ng plaka ng motorsiklo.
Nakuha kay John Paul ang isang motorsiklo, half-face helmet; khaki camouflage jacket; black hoodie jacket, pares ng gray jogger pants, na pinaniniwalaang gamit ni alyas Reginaldo.
Nahaharap sa kasong Arson sa ilalim ng R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) si “John Paul” sa Quezon City Prosecutor’s Office habang patuloy naman ang manhunt operation laban sa tatlong iba pa.
“The QCPD remains committed in solving this case and bringing all those involved to justice. Hence, we urge the public to support our efforts by reporting any relevant information to the nearest police station or through the QC Helpline 122. Binabati ko din ang lahat ng operatiba na nagtulung-tulong upang ma-resolve ang incident na ito. Together, we can make our communities safer,” ani Silvio.
- Latest