‘Marian Rivera’, ‘Chel Diokno’ lumutang sa spy funds ni VP Sara
MANILA, Philippines — Ipinabeberipika ng isang mambabatas sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) kung meron nga bang mga kapangalan ang celebrity na si Marian Rivera at Chel Diokno na lumutang sa pagrerebyu sa acknowledgement receipts na sinasabing tumanggap ng confidential funds sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang kahalagahan na matukoy ang mga indibiwal na tumanggap ng confidential funds ni Duterte, na nakabatay sa acknowledgment receipt na isinumite ng tanggapan ni VP Sara sa Commission on Audit (COA).
“In fact, the agencies that are tasked and also has the capacity to really assess and verify whether a certain Chel Diokno is indeed apart from the Chel Diokno that we’d be popularly know. Merong isang Chel Diokno ‘yan na nag-exist na informant, intelligence informant, possible intelligence informant ay totoo na naka-receive na acknowledgment receipts or payment,” ayon kay Adiong.
“As to the new revelations, kaya nga namin hiningi yung assistance ng PSA at NBI kasi marami pang acknowledgement receipts at that time na hindi pa natin nakikita,” pahayag pa ni Adiong.
Ang Marian Rivera ay kapangalan ng sikat na actress habang ang Chel Diokno naman ay kapangalan din ng pamosong human rights lawyer na kakatawan sa Akbayan Partylist na number 1 sa nagdaang halalan.
Sinabi ni Adiong, maraming acknowledgment receipts ang hindi na nailabas sa naging imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
“Nung time na nagkaroon kami ng investigation dun sa Good Government, hindi lahat nung mga acknowledgement receipts ay nakita namin or nasiyasat namin ng maayos,” ani Adiong kung saan ang pangalang Mary Grace Piattos na kumbinasyon ng isang kilalang restaurant at sitsirya ang naging pokus ng isyu at ang mga pangalan nina Diokno at Rivera ay hindi pa nasusuri.
- Latest