Lady Blazers pahihigpitin ang kapit sa top 2 vs Lady Chiefs
MANILA, Philippines — Sisikapin ng defending champion na kumapit sa top 2 ng team standings upang manatiling malakas ang tsansa sa asam na twice-to-beat advantage.
Kaya nasa kukote ng Lady Blazers na kalusin ang makakalaban nila ngayong araw na Arellano University Lady Chiefs sa second elimination round ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan.
Magsisimula ang kanilang upakan ng CSB at AU sa alas-2:30 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng league leader Letran at San Sebastian College - Recoletos sa alas-11 ng umaga.
Nasa pangalawang puwesto ng team standings ang Lady Blazers tangan ang 10-2 card, solo naman sa tuktok ang Lady Knights na may 11-2 baraha habang nasa No. 3 at 4 ang Lady Chiefs at Mapua University hawak ang 9-4 at 9-5 records, ayon sa pagkakasunod.
At dahil dikit lang ang nasa magic four ay wala pa rin nakasisiguro kung sino ang mabibiyayaan ng bonus at kung sino ang sasampa sa semifinals.
Ipaparada ng Taft-based squad sina Zamantha Nolasco, Clydel Mae Catarig, Wielyn Estoque, Mycah Francis Go at Cristy Ondangan para mahablot ang importanteng panalo.
Subalit matikas din ang Lady Chiefs at dahil nakatuon din sa insentibo ay tiyak na itotodo rin nila ang kanilang lakas.
- Latest