Bolts, Tropang 5G basagan sa panalo

MANILA, Philippines — Puntirya ng nagdedepensang Meralco ang ikalawang sunod na panalo habang ang pangatlong dikit na ratsada ang hangad ng TNT Tropang 5G sa kanilang duwelo sa Season 49 PBA Philippine Cup.
Maghaharap ang Bolts at Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang tagayan ng San Miguel Beermen at Phoenix Fuel Masters sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Itinakas ng Meralco ang dramatikong 105-104 panalo kontra sa NorthPort tampok ang short stab ni Bong Quinto sa huling 2.7 segundo para tapusin ang kanilang three-game losing skid.
“We are struggling. The last two games have been tough. We’ve been getting beat, black and blue. Talagang nilalampaso kami. But sometimes, when things are not going your way, you have to gut it out,” ani Bolts coach Luigi Trillo.
Dalawang sunod na panalo naman ang ikinadena ng TNT matapos ang 0-2 panimula para buhayin ang pangarap na PBA Grand Slam.
Unang tinalo ng Tropang 5G ang Beermen, 89-84, bago isinunod ang Terrafirma Dyip, 110-74.
“We have to play a lot more, tougher games,” wika ni TNT mentor Chot Reyes sa pagsagupa nila sa Meralco.
Sa unang laro, pipilitin ng San Miguel (3-2) na makabangon mula sa pagkatalo sa TNT, samantalang ang back-to-back wins ang puntirya ng Phoenix (2-3).
“They’re coming off a loss,” ani Fuel Masters coach Jamike Jarin sa Beermen. “We know they’re gonna be prepared. Parang pareho lang kami na one-week break so they’re going to be fresh. Let’s see.”
Nagmula ang SMB sa 84-89 pagyukod sa TNT, habang umiskor ang Phoenix ng 95-81 panalo sa TNT sa mga huli nilang laro.
- Latest