Serye dinala ng Thunder sa 2-2
INDIANAPOLIS -- Iniskor ni Shai Gilgeous-Alexander ang 15 sa kanyang 35 points sa huling 4:38 minuto para gabayan ang Oklahoma City Thunder sa 111-104 pagganti sa Indiana Pacers sa Game 4 at itabla sa 2-2 ang NBA Finals.
Nagdagdag si Jalen Williams ng 27 points, habang may 20 markers si Alex Caruso at humakot si Chet Holmgren ng 14 points at 15 rebounds para sa Thunder
“He definitely showed who he is tonight,” wika ni coach Mark Daigneault kay Gilgeous-Alexander na nanguna sa inihulog na 16-7 bomba sa dulo ng fourth period.
“We played with desperation to end the game, and that’s why we won,” sabi ni Gilgeous-Alexander.
Bigo ang Pacers na maitayo ang malaking 3-1 lead sa kanilang best-of-seven series bagama’t nakahugot kay Pascal Siakam ng 20 points habang may 18 at 17 markers sina Tyrese Haliburton at Obi Toppin, ayon sa pagkakasunod.
Dadalhin ang Game 5 sa Oklahoma City sa Martes matapos mabawi ng Thunder ang home-court advantage.
“This kind of a challenge is going to have extreme highs and extreme lows,” sabi ni Indiana coach Rick Carlisle. “This is a low right now and we’re going to have to bounce back from it.”
Ang baseline dunk ni Toppin sa third quarter ang nagbigay sa Pacers ng 86-76 kalamangan bago magpakawala ang Thunder ng isang 13-3 atake para itabla sa 89-89 ang laro sa kaagahan ng final canto.
Huling nagtabla ang dalawang koponan sa 97-97 bago isalpak ni Gilgeous-Alexander ang isang step-back jumper sa natitirang 2:23 minuto na nagbigay sa Oklahoma City ng 104-103 bentahe.
“We wanted to win,” ani Siakam sa Indiana. “I thought we played well enough for some stretches ... but unfortunately, it didn’t happen.”
- Latest