Motovlogger na si Yanna, guilty - LTO
MANILA, Philippines — Guilty ang naging pasya ng Land Transportation Office (LTO) sa ginawang imbestigasyon laban sa motovlogger na si “Yanna” kaugnay sa nag-viral na pakikipagtalo niya sa isang pickup truck driver sa Zambales.
Bukod sa multa, suspendido pa rin ang kaniyang driver’s license.
Sinabing pinagmumulta ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, si Yanna ng P5,000 dahil sa paggamit ng motorsiklo na walang mga side mirror.
Pinagmumulta rin ang vlogger ng P2,000 para naman sa reckless driving.
Mananatiling suspendido rin ang driver’s license niya hangga’t hindi niya isinusuko sa LTO ang motorsiklo na ginamit sa insidente.
Inamin umano ni Yanna na hindi sa kaniya ang motorsiklo.
Sa pitong pahinang desisyon, sinabi ng LTO na makikita sa mismong viral video ni Yanna ang delikado nitong pagmaniobra nang unahan niya ang pickup truck, at wala pang side mirror ang kaniyang motorsiklo.
Pinagbasehan umano ng LTO sa paglabas ng desisyon ang viral video, kasama na ang apology letter ng vlogger, at ang affidavit na isinumite ng pickup driver. Naging “kaso” ni Yanna Motovlog ang Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), pagmamaneho ng motorsiklo na walang mga side mirror, at wala ring plate number ang motorsiklo (Sec. 18 of R.A. 4136).
Kasabay nito, ipina-”alarma” rin ng LTO ang motorsiklo na ginamit ng vlogger sa nangyaring insidente sa Zambales hangga’t hindi ito isinusuko.
- Latest