Nangyayari sa loob ng katawan kapag mainit
Mag-ingat kapag napakainit ng panahon lalo na kung nasa labas at nabibilad nang matagal sa init ng araw. Umiinit ang katawan kapag nasa mainit na kapaligiran. Habang tumataas ang temperatura ng katawan, nalilito ang utak, napapasobra ang trabaho ng puso at humihinto ang mga lamanloob. Nagkakasakit at maaaring mamatay.
Sinasabi ng mga scientist na nakakasama sa mga lamanloob ang mataas na temperatura, nagpapahirap sa puso, nagpapalabo sa memorya, nagdudulot ng dehydration at nagdudulot ng kamatayan kapag hindi agad napalamig ang katawan.
Kapag napakainit ng katawan, inililihis nito ang daloy ng dugo patungo sa balat para bumaba ang temperatura pero nawawalan naman ng dugo at oxygen ang tiyan at bituka at kumakalat ang mga lason na karaniwang nasa bahaging sikmura. Nagtutulak ito sa pagkakaroon ng clotting sa katawan at multiple organ failure, ayon kay Ollie Jay, professor of heat and health sa University of Sydney, Australia.
Dahil papunta sa balat ang dugo para makatulong na maibsan ang init, bumababa ang presyon ng dugo. Bunga nito, nagsisikap ang puso na makapagbomba ng marami pang dugo para hindi mawalan ng malay. Peligroso ito sa mga may cardiovascular disease.
Kapag pinapawisan dahil sa sobrang init, nababawasan ng tubig ang katawan na lubhang nakakasama sa kidney. Nagkakaroon dito ng mapanganib na dehydration na dahilan para huminto sa trabaho ang organs ng katawan dahil sa kakulangan ng dugo, oxygen at nutrients na magdudulot ng seizures at kamatayan, ayon naman kay Dr. Renee Salas, Harvard University professor of public health at emergency room physician sa Massachusetts General Hospital.
Nagiging mahirap huminga habang tinatangka ng katawan na makakuha ng marami pang oxygen. Dumadalang ang pag-ihi habang sinisikap ng katawan na makapagpreserba ng likido hangga’t maaari. Dumarami ang likidong nawawala sa katawan habang patuloy na pinapawisan dahil sa init kaya mabilis na nagkakaroon ng dehydration.
Kapag kulang sa oxygen at nutrients ang puso, maaaring magbunga ito ng heart attack at ibang nakamamatay na kundisyon, ayon kay Daniel Gagnon, researcher ng Montreal Heart Institute.
Binabawasan ng dehydration ang daloy ng dugo at pinalulubha ang problema sa puso. Ilang doktor din ang nagsasabi na naaapektuhan din ng init ang utak. Nalilito at hindi makapag-isip nang maayos ang taong naiinitan ang katawan. Lumalaking problema ito habang tumatanda ang tao.
Kapag sobra nang naiinitan ang katawan, dito na nagkakaron ng dehydration, muscle cramp, heat exhaustion at ang pinakamalubhang heat stroke.
Tulad ng unang nabanggit, nakaaapekto rin ang init sa pag-iisip ng tao. Umiinit din ang ulo, madaling magalit, nakakapagmura, nawawalan ng pasensiya, hindi na makapag-isip nang tama, napapaaway, nagiging marahas at maaaring dahil sa init ng ulo, makapanakit o makapatay ng tao kundi man siya ang mapahamak at mapatay.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest