EDITORYAL - Talamak na holdapan sa Metro, aksiyunan

NOONG nakaraang linggo, ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang police visibility. Pagpatrulyahin ang mga pulis sa kalye. Wala na raw nakikitang pulis sa kalye ngayon. Ayon sa Presidente, mas napapanatag ang kalooban ng mamamayan kapag may nakikitang pulis sa kalye. Ipinag-utos din ni Marcos na dapat ay makaresponde sa loob ng limang minuto sa nangyayaring krimen ang mga pulis.
Hindi na ito dapat ipinag-uutos ng Presidente. Ang dapat nagsasagawa nito ay PNP chief. Para ano pa at inilagay siya sa puwesto. Tungkulin ng hepe na atasan ang kanyang mga tauhan na magpatrulya sa kalye at rumesponde sa krimen. Hindi ito manggagaling sa Presidente.
Ang mga nangyayaring holdapan sa Metro Manila ay dapat agarang aksiyunan ng PNP. Hindi porke lumabas sa report na bumaba ng 23 percent ang krimen sa MM ay makakampante na sila. Ayon sa NCRPO, mula Nob. 23, 2024 hanggang Mayo 2025, nakapagtala ng 2,580 na kaso sa Metro Manila. Ang bilang ay mas mababa ng 23 percent kumpara sa nangyaring krimen noong 2023 sa kaparehong buwan.
Pero ang report sa pagbaba ng crime rate ay taliwas sa mga nangyayari sa MM kung saan sunud-sunod ang holdapan. Kabilang sa mga nabibiktima ay dayuhan.
Walang takot na hinoholdap ang restaurant kahit araw at sa harap nang maraming tao. Gaya ng isang restaurant sa Arnaiz Avenue sa Makati City na hinoldap ng riding-in-tandem. Kinuha ng mga holdaper ang cash at cell phone ng mga customer kabilang ang isang Japanese at tumakas. Makaraan ang ilang minuto, nagbalik ang mga holdaper at ibinalik sa Japanese ang cell phone nito.
Noong Mayo 13, dalawang Japanese ang hinoldap ng riding-in-tandem sa Bonifacio Global City sa Taguig City. Ayon sa Japanese Embassy, dalawang Japanese engineers na nagtatrabaho sa Clark Special Economic Zone sa Pampanga ang hinoldap dakong 3:00 p.m. sa harap ng Adibelleti Residence sa 9th Avenue, BCG, Taguig City. Naglalakad ang mga Japanese nang lapitan ng riding in tandem at tinutukan ng baril. Kinuha ang kanilang bag na may lamang P6,000, Y50,000, credit cards, cell phones, Japanese driver’s licenses, company ID cards, at condominium resident cards. Pinukpok pa ng baril sa mukha ang mga biktima.
Noong Mayo 17, ini-report naman ng Korean Embassy, na dalawang Korean nationals ang hinoldap sa 9th Avenue, Bonifacio Global City sa harap ng One Park Drive dakong 11:40 ng gabi. Naglalakad umano ang dalawang Koreans nang harangin ng riding-in-tandem, tinutukan ng baril at kinuha ang kanilang bag na may lamang cash at cell phones.
Nakababahala ang mga sunud-sunod na holdapan. Nararapat kumilos ang PNP. Hindi na sila dapat pang manduhan ng gagawin. Tungkulin nila ito.
- Latest