‘Bigas’ (Part 15)
“MAGPAPATULOY pa po ang suwerte mo, Mam Chato dahil sa pagigng masinop at pagmamahal mo sa bigas,’’ sabi kong nakangiti.
Tuwang-tuwa naman si Mam Chato sa aking papuri.
“Totoo ang mga sinabi mo, Noel—walang tigil nga ang pag-aani ko at laging puno ang aming bodega sa probinsiya.”
“Palagay ko po ay magdaragdag ka pa ng bodega o kamalig, Mam Chato.”
Napahalakhak si Mam Chato sa mga sinabi ko.
“Bakit alam na alam mo na ang taong masinop sa palay at bigas ay walang tigil ang pagdating ng suwerte. Bakit malawak ang nalalaman mo Noel?”
“Dahil anak po ako ng magsasaka. Si Tatay po ay matagal nang magsasaka at buhat sa pagsasaka niya kami binuhay na magkakapatid. Napakasinop po ng aking ama at lagi niyang sinasabi sa aming magkakapatid na huwag mag-aaksaya ng kanin. Ni isang mumo ng kanin ay huwag kaming magtitira sa pinggan. Kung ano lamang ang kayang ubusin ay ‘yun lamang ang kunin. Huwag mag-aaksaya ng kanin o bigas upang hindi dumanas ng hirap.”
Nakatingin nang tuwid sa akin si Mam Chato na parang hindi makapaniwala sa katotohanan ng aking sinabi.
“Pawang totoo ang mga sinabi mo, Noel.”
“’Yan po ang turo ng aking ama, Mam Chato.”
“Sanay ka rin ba sa mga gawain sa bukid, Noel?”
“Opo. Marunong akong mag-araro, magtanim ng palay, mag-ani, magbilad at magpagiling ng palay.”
“Ikaw ang hinahanap ko, Noel.” (Itutuloy)
- Latest