EDITORYAL — Shabu kahit saan, pati sa karagatan

GINAGAWA ng drug syndicate ang lahat nang paraan para maikalat ang shabu sa buong bansa. Ngayon ay nagpopokus sila sa karagatan na magandang daan para maisakatuparan at magtagumpay ang kanilang negosyo. Ipinaaanod ang mga naka-plastic na shabu at saka sasagipin sa laot ng kanilang kakutsabang drug traffickers o pushers.
Salamat at may mga mabubuting mangingisda na nakasasagip sa mga ipinaanod na shabu at agad na nire-report sa mga awtoridad. Dati, ang karagatang sakop ng Quezon at Batangas ang paboritong bagsakan ng shabu. Pero ngayon, ang mga probinsiya ng Ilocos Sur, Zambales at Pangasinan ang pinagpapaanuran ng shabu. Sunud-sunod ang pagkakita ng floating shabu sa mga nabanggit na probinsiya. Huling nakasagip ng shabu ang mga mangingisda sa Pangasinan noong Hunyo 5. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umabot sa 21 sako at nagkakahalaga ng P4-bilyon ang nalambat na shabu. Sinabi ng PDEA na ang mga sako ng shabu ay nakita ng 29 na mangingisda.
Agad ni-report ng mga mangingisda ang mga nakuhang shabu sa PDEA. Sabi ni PDEA Director General Isagani R. Nerez ang pagtutulungan ng mga mangingisda ay malaking tulong para makuha ang mga lulutang-lutang na shabu. Hindi nagdalawang isip ang mga mangingisda na i-report agad ang droga.
Bago iyon, una nang nakarekober ang mga mangingisda ng 177 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P1.17 bilyon habang palutang-lutang sa karagatan ng Agno, Bani at Bolinao ng Pangasinan. Agad nilang inireport sa mga awtoridad ang mga narekober na shabu.
Noong Miyerkules, sinabi ng PDEA na ang mga nakuhang shabu sa karagatan ay pag-aari ng Chinese triad. Ayon sa PDEA ang mga pakete ay may Chinese markings at signature trademark na konektado sa Chinese Drug Triad. Ang triad ay malaking sindikato ng droga na nag-o-operate sa Southeast Asia.
Nakababahala ang paglutang nang maraming shabu sa karagatang sakop ng Pilipinas. Maaring hindi lang sa karagatang sakop ng Pangasinan, Zambales at Ilocos lulutang-lutang ang shabu kundi sa maraming lugar pa. Sa haba ng baybayin ng Pilipinas, maaaring narito na ang mga saku-sakong shabu na pinaaanod ng mga Chinese. Ang nakababahala, baka marami na ang natangay ng alon sa mga baybaying dagat ng bansa at narekober na ng mga kasabwat ng Chinese Triad.
Paigtingin ng Philippine Coast Guard ang pagbabantay sa mga baybayin para matiyak kung saan galing ang mga saku-sakong shabu. Pag-ibayuhin pa ang pagtutulungan ng mga mangingisda para makarekober ng shabu at i-report agad sa mga awtoridad.
- Latest